Showing posts with label Blast from the past. Show all posts
Showing posts with label Blast from the past. Show all posts

Sunday, September 21, 2008

Commercials

Dati tuwing nanunuod ako ng TV tapos maganda na yung topic sa showbiz chizmax at sasagutin na ng guest ang tanong bigla sasabihin ng host na "Ok sasagutin po yan ni (pangalan ng sikat na artista) after a short break". Ampft kainis kumbaka nakakabitin limang minutong commercial na naman.

Ganyan din kapag may mga Awards Night or Concert... isama mo na yung mga laban ni Pacman. Loloadan ito ng sangkatutak na commercials. Kaya nga tinawag na Soap Opera ang mga palabas na drama sa gabi dahil noong araw sikat ang mga commercial ng sabon at usually puro commercial ng sabon ang makikita mo in between sa mga palabas na sinusubaybayan mo after office hours.

Inis talaga ako naiinip ako sa dami ng commercials. Mabuti na lang dito nauso na ang mga DVR or TiVo... atleast pwede ko na irecord ang mga palabas na sinusubaybayan ko at iforward pag commercial na. Kadalasan nga ayaw ko ng panuorin ng live yung mga palabas para nga makaiwas sa commercials.

Pero ang tao talaga wala namang kasiyahan. Dati kasi nakasubscribe ako sa TFC dahil sa mga teleserye... tapos na miss ko naman ang mga commercials. Lalo na kapag may ginagawang commercial yung isang kaibigan ko na nagwowork sa ads agency na gumagawa ng commercial sa Pinas. Di ako makarelate hehehe.

Kaya ng makita ko itong site ni
maytaodito sa veoh naaliw ako. Kahit papano nakakausyoso ako ng mga bagong TVC sa Pinas. Nakakarelate ako kung sino ang mga sikat na personalidad sa atin dahil syempre pag sikat ka madami kang endorsements. Nakakapang okray na naman ako sa mga jologs na commercials.

May hilig din kasi ako sa film ek ek. Lubhang dipa ko inspired at tinatamad lang ako kaya di ko pa napapagdiskitahan yung mga gusto kong iedit na mga videos. Mahilig ako magtake ng videos sa mga lugar na napupuntahan ko pero nakatambak lahat ng mini dv at di ko pa din nauumpisahan. Hay Libay sana sipagin ka na!

Check nyo yun site actually di lang mga TV Ads may mga teleserye din para sa mga taong wala ng subscription sa TFC. Di ko siya kilala pero ang post na ito ay pagpapasalamat dahil nakasave ako sa pagbabayad para lang manuod ng teleserye. Pero syempre video streaming lang pero pede na din... Libre naman ei :P

Tuesday, September 02, 2008

Nayn Ow Tu Wan Ow

Kakatapos ko lang manuod ng dalawang oras na premiere ng 90210. Wala lang masaya lang din alalahanin yun High School days. Actually nagsimula din last weekend kakapanuod ko sa youtube ng concert ng eheads. Bigla ko lang naisip yung nakalipas... hehehe reminiscing kumbaga :P

Masaya kasi noong HS. Ang problema lang yung mga exams, recitations at lovelife saka relasyon sa barkada lalo na kapag madami kang tropa. Hindi kagaya kapag mashonda ka na puro trabaho, bills at mortgage ang problema ... Hay Layp!

Katuwa lang isipin dati ang routine ... Papasok sa umaga, gagala sa hapon then bandang 5pm may training ang mga CAT officer na aabutin na hanggang 8pm kasama na yung pakikipag ligawan sa kapwa mo plebo.

Pag election time naman, yung pag-aasikaso ng mga sayaw at mga kung anik-anik na ipeperperform para sa meeting de avance, mag room to room campaign, gumawa ng speech para makakuha ng boto.

Pag intramurals naman, yung practice tuwing hapon at weekends. Yun bang nagiging ka close mo ng husto yung section mo kasi syempre kailangan manalo kayo. Yun mga away sa pagpili ng design ng uniform... na wala namang magawa kundi gayahin yung mga nasa NBA na design :P

Kapag school fair, yung gabihin ka kasama ng barkada... makipag date sa mga semenaristang imbitado. Hanggang sa maaya mo na din lumabas at mag COED ang mga loko hehehe.

Isa pang masaya yung Prom... syempre yung paghahanap ng design sa isusuot ng damit... or maghanap ng mahihiraman. Pakikipag-usap sa mga parlor at salon para sa schedule para magpaayus ng buhok at magpa make up.

Madaming kalokohan ... yun pakikipag-away dahil sa boylet at gurlash, pangongodiko, pag cutting class, pag-inom ng Gin and Tonic, Rum Cola at pumasok ng hilo, yung pagdidisco at pagsama sa mga drag race, yun pagnenok ng leakage at isama mo na yung pagvavandalize. Oh well nakakahiya mang aminin. Naexperience ko lahat yun :P

Bigla kong na miss ang CIC. Madaming memories na maganda. Maraming dance steps na na choreograph. Maraming masalimuot na relasyon. Maraming kaibigan na nakilala at nakasama. Madaming teachers at madre na napasakit ang ulo. Janitors at Security guards na nasuhulan.

High School life... ay walang kasing saya... Bakit kung graduation day luluha kang talaga? - (Jologs pero tutuo yun!)

Saturday, August 30, 2008

83008 E-heads Reunion Concert

Tinawagan ako kagabi ng kaibigan ko para mang-inggit na papunta na siya sa concert ng Eraserheads with matching VIP ticket daw. OO na... panalo ka na... hikbi! hindi ako makakapanuod. Kung pwede nga lang mag vacation leave ng one week umuwi na ako para sa Concert na yan.

Syempre naman sila ang dahilan kaya ako natutong mag-gitara. Kaya itinulog ko na lang yung inggit na nararamdaman ko.

Pagkagising ko nabasa ko text ng kaibigan ko na inatake daw si Ely at hindi natapos ang concert. Search search ako sa internet at nakita ko sa Inquirer ang video na ito.

Kahit sa video ko lang nakita yung opening song nila na Alapaap medyo naluha ako. Lalo na siguro kung isa ako sa libo-libong tao na anduon at napapanuod ito ng live. Napakasaya syempre manuod ng concert at makikanta, palakpak at makisigaw duon. Lalo na nga at halos lahat ng kanta ay kabisado ko pa. Kahit makipagsiksikan ka pa at pagpawisan ng todo... ayus lang.

Nakakalungkot lang at hindi pala ito natapos dahil nga sa di inaasahang pangyayari.

Ely - pagaling ka. Sana mag-ok na ang health mo. God bless!


Here are some videos of the Eraserheads performance courtesy of Inquirer and YouTube. ==> Click the links...



Tuesday, August 19, 2008

Do i need to wear a new hat?

I am happy with my current job. The office is just 4 miles from my house. I really saved a lot of gas considering how gas price soars.The work environment is awesome plus the opportunity to learn all the platforms like Service Layer, Prepaid, Core etc.

Last Thursday morning, my former boss asked me if I am interested to work as permanent in his group. Suddenly napaisip ako... Hmmm 7 years and 3 months na akong contractor, yung 5 years dun 100% travel. Dito lang sa current job na ito ako nagtagal ng 2 years na di kailangan mag road trip na naman ng tatlong araw. Lumilipat lang ng work place pero hindi kagaya dati na inter-state ang biyahe.

Ano kaya kung magpermanent ako? So compute, compute at compare compare. Pag contractor ka kasi may perdiem na tax free... malaking bagay yun na mga almost 35% ng gross mo eh hindi ma tataga ng tax ni Uncle Sam.

Kung mag perpermanent ako lahat taxable... pero may Vacation leave, Sick leave, Maternity leave at magandang Medical benefits. Plus mo pa yung Quarterly bonus at kung anu-ano pang perks.

Actually eto yung ayaw kong time yung kailangang mag-decide at mag-isip. Ganitung-ganito yung pakiramdam ko nuong nagwowork ako sa Switch sa probinsya. Nuong na offeran ako lumipat sa Head Office sa Manila.

Sa probinsiya malapit sa bahay. Libre pa nga hatid at sundo dahil mga tropa yung OSP at yung kasamahan sa Switch at sa Sales. Pwede din mag motorbike lang ako nasa office na ako. Pag-uwi sa bahay may nakahanda ng food. Mag maglalaba ng damit ko at magplaplantsa. Sarap hay kailan kaya ulit???!!!

Yung sa Manila. Bagong opportunity, mas malaki ang Sweldo... may mga Trainings at tipong Corporate Life. Di gaya sa probinsiya pwede nga kayo mag tong-its at uminom pag hapon na basta pag nag ring yung phone maayus kang sasagot.

Pero sa Manila... kailangan kong mag commute, umupa ng apartment (maki share pala kasi
mahal ang upa), Maglaba at magplantsa ng damit ko... at problemahin pati yung food kasi hindi ako marunong magluto.

Pero pinagdasal ko kay God na kung saan po ako mapapabuti duon po ako ninyo dalin. Ayun nakabangga ko yung supervisor kong malaki ang butas ng ilong. Kaimot kasi ayaw magpahiran ng sasakyan di naman kanya sus. So ayun parang di na ako naging masaya na nakikita ko siya araw-araw. (Actually siguro sa sobrang inis ko napaginipan ko pa yun na hinigop ng malaking elisi tapos naputol putol yung katawan nya.... hehehe weird pero tutuo yun... Tawa nga ng tawa yung kumpare ko ng nakwento ko sa kanya)....Plus may iniwasan pa akong isang relationship na dapat talagang iwasan. Kaya kahit masayang mag-abang ng fishball sa hapon sa tapat ng office at lumabas ng lunch time para bumili ng pirated cds... Lumuwas ako ng Maynila at nagpa-usok at nakibaka sa traffic.

Malaking adjustment kasi hindi na aircon yung tinutulugan kong kwarto. Syempre baka katukan ako ng ka share ko sa apartment ... kamahal kaya ng kuryente. Every week para akong student na umuuwi sa probinsiya dala-dala yung damit for the whole week at sabik na sabik sa luto ng Nanay ko. Pero natuwa naman ako sa trabaho ko kasi nakakuha ako ng madaming Trainings. Nabigyan ako ng chance humawak ng project at nalibot ko yung boung Luzon.

Naranasan ko isakay yun FX sa
boat at tumawid ng Abra de Ilog para gawin yung isang site sa Mamburao. Ang makikanta sa videoke sa Pier habang naghihintay ng boat.(Loko yung may ari sabi sa akin pag naka score ako ng 100 bibigyan ako ng isang litrong coke... Bumirit ako ng I will survive at naka perfect score ayaw ba naman ibigay...Ayun nagalit yung mga nanunuod nung akmang maghuhuromentado na eh natakot yun may ari ng videoke nagbigay na din hehehe.)

Naranasan ko din ang makijamming sa
Security guard sa Iba, Zambales habang pumapapak ng isdang yellow pin na inihaw ni manong. Ang makinig sa kwento ng mga Alien sa Binalonan, Pangasinan habang nakikipag-inuman sa Hapon na nag-uupgrade ng switch.

Masaya na mga experience, madaming kaibigan ang nakilala... yung mga dating nakakausap ko lang sa phone at nakacoordinate. Nagkaroon sila ng mga mukha. At ito din ang naging daan kaya ako nakapunta ng Amerika. Yung mga trainings at yung buyo ng mga kaibigan para mag-apply. Sa tutuo lang wala kasi talaga sa isip ko ang pag-aabroad. Kaso lang yung mga katropa isa-isa ng naglilipadan, nalungkot ako na maiwan kaya sabi ko sige nga sali din ako... apply na din.

November
2000 nag submit ako ng application. Wala lang hehehe. Tapos na interview ako then April 2001 sabi approved na daw yung Visa ko at may flight schedule an ako ng May. Nasa Tuguegarao ako ng tinawagan ako ng recruiter. Schedule ko daw ng Monday morning 9:00am sa embassy para sa Visa stamping. OMG lumipad yata yung Tamaraw FX from Tuguegarao to Manila. Nang matatakan na yung passport ko. Saka ko lang sinabi sa Nanay ko na pupunta ako sa Amerika.

Syempre ang Nanay ko ayaw
maniwala kasi wala pang isang taon ng magpaalam ako sa kanya na lilipat ako sa Head Office tapos eto nagpapaalam ako na pupunta ako sa Amerika at duon mag tratrabaho. Bakas sa mukha ng Nanay ko yung magkahalong lungkot at saya. Malungkot dahil syempre malayo yung pupuntahan ko at alam nya ang buhay ng nagaabroad dahil dati din siyang OFW. Masaya dahil sino ba namang ina ang di magiging proud na may anak siya na pupunta sa AMerika na ni singko walang babayadan at ng makita nya yung contract na ganitong $$$ yung swesweldohin ko nag multiply na siya at sabi anak di ba joke yan? Sumagot ako na Nanay ako din po ay di makapaniwala na yung isang linggo na sweldo ko sa Amerika ay katumbas na ng isang taongkong sweldo dito sa Pilipinas.

Nakuha akong Consultant!!! hehehe hindi talaga ako makapaniwala.... Pero sa ngayon naniniwala na ako kasi nga mahigit 7 years na ang lumipas at eto nagtratrabaho pa din ako dito at kahit papano nabigyan ko na ng magandang buhay yung pamilya ko.

Ngayon eto na naman ako sa pagdadasal kay God na kung saan ako mapapabuti yuon ang mangyari sa akin. Last Thursday nag submit ako ng resume sa isang Telecom Company dito sa TX. Nagkaroon na ako ng initial interview last Friday, tinanong na ako kung magkano ang gusto kong sweldo. Hehehe syempre tinodo ko na kasi nga lahat taxable na ei. Sabay pray na God kung ibibigay po yung sinabi ko ibig sabihin gusto nyo na ako lumipat duon. 20 minutes yung interview at tinanong ako kung kailan ako magiging available at tatawagan daw ako ulit para sa interview sa Hiring manager.

Yung weekend ko di ko maalis sa isip ko na parang eto na naman... Masaya kasi ako sa current job ko ... at mag dadalawang taon na ako dito sa katapusan ng August... Hay ano kaya mangyayari???? Then Sunday 6pm na ako nakapag mass dahil na late ako ng gising. Pinagdasal ko ulit na God bahala na po kayo.

May work kasi ako ng Sunday night kaya wala na akong pasok ng Lunes... nagising ako ng 11am at habang kumakain ako ng breakfast nag ring ang cellphone ko. Tinatanong kung available ako for interview ng Wednesday about 3pm. Sabi ko hindi ba pwedeng lunch time para di makaabala sa current work ko... mabait naman sabi sige Thursday 12pm tapos nag thank you na siya sa akin at expect an email confirmation daw.

Mga 5 minutes may dumating na email may kasamang attachment at sinasabi kung anu-ano ang benefits na maibibigay ng company nila. Nakasulat duon yun pangalan ng Manager na mag-iinterview sa akin. Indiano... hmmmm sana mabango ay mali.... I mean sana mabait :P

Kanina habang nasa office ako nagbabasa basa ako at naghahanda sa interview ko. Pero ewan ko parang half-half ang puso ko. Tinitignan ko yung mga kaopisina ko na nakapaligid sa akin. Yung cubicle ko... parang ayaw ko na ewan ko. Pero nagdasal ako ulit na God bahala na po kayo. Basta ako magpreprepare at gagawin ko yung part ko.

Hehehe kwela din kasi ako mag-isip as if naman tanggap na ako hehehe at aalis na. Natuwa nga ako sa mga kaopisina ko na ibang lahi yung mga ka close ko kasi sabi nila pagbutihan ko daw. May nagbigay pa ng mga documents na sabi basahin mo yan baka makatulong. Pero nakakalungkot lang din yung isang kalahi na kaopisina ko. Sinabi ko kasi sa kanya yung idea ko na sumubok mag-apply... sabi niya irerekomenda kita kasi kilala ko yun visor duon pero kailangan sabihin natin ganito yung alam mo kasi syempre pinoy yun ayaw kong mapahiya. Sabi ko na lang ay wag na mag-aapply na lang ako sa kakilala ko ayaw ko na masira ka pa sa kakilala mo dahil sa akin. Hmmm ala lang mas naramdaman ko lang talaga yung suporta ng hindi kalahi. Minsan naman kasi ok din naman yung ibang lahi basta napakita mo sa kanila na ok ka.

Yun tatlong di kalahi nga nag explain-explain pa sa akin na baka daw itanong yung ganito ganun eto ang tamang pagsagot, yung kalahi naman natin sabi ko ay may 30 minutes ka ba pakiexplain naman sa akin ito o... Sabi sa akin naku busy ako! Oh well... baka busy nga at wala siyang 30minutes hehehe.

Basta susubukan ko lang wala naman mawawala sa akin. May trabaho naman ako at walang masamang sumubok. Nakaka excite din naman kasi yung may pumapansin sa resume ko at may tumatawag at nagtatanong kung available ako :P


Tuesday, August 12, 2008

Ang buhay parang Sine

I watched my recorded Dolphy's 80th b-day on TFC yesterday.

Nakakatuwa din na at 80 may movie pa si Pidol and tama lang din nman yung mga recognition na natanggap niya dahil mahirap mapantayan kung ano man yung narating niya sa mundo ng pelikula.

Habang pinapakita yung mga old movies. Naalala ko nung bata pa ako. Laki kasi ako sa sinehan at sa parlor. May parlor kasi ang lola ko at may sinehan naman yung lolo ko. Naalala ko tuwing Monday ang suot ko na t-shirt eh kung ano yung palabas sa sine. Walking ads kaming mapipinsan. Halos araw-araw nasa loob ako ng sinehan. Duon kami sa pinakaharap ng orchestra naglalaro, nag jajack stone at nagtatakbuhan. Galit na galit na nga sa amin yung mga Usher kasi maingay kami.

Wala pang mall sa probinsiya nung mga panahon na yun. Meron lang apat na sinehan kaya uso pa noon yung na eextend ang mga palabas kapag malakas ito. Usually mga movie ni FPJ, Dolphy, Ramon Revilla saka Vilma at Nora na palabas ang dinudumog ng tao. Alala ko naka bus pa yung dumadating galing sa mga karatig probinsiya. Libre palagi yung driver ng bus. Saka kadalasan nagpapaskel ng All Seats taken.

Sikat na sikat din si Lito Lapid noon. Tuwang tuwa ang mga tao sa movies niya na tipong Leon Guerrero (Zorro na Pinoy version). Yung mga pinsan ko naman na mga High School nung panahon na yun eh na adik sa mga movies ng Seiko Films. Nuon kasi if it is from Seiko it must be good. Ako naman natutuwa sa movies ni Sharon Cuneta. Idol kasi siya ng tita ko. Eh idol ko naman yung tita ko kaya kung ano ang pinagkakatuwaan niya eh aliw na aliw din ako. Kasama niya ako palagi bumibili ng mga plaka saka mga casette tapes, isama mo pa yung mga minus one kasi siguradong gagayahin niya yun kung ano mang kanta ni Sharon ang uso.

Noong ako na ang High School medyo humina na yung sinehan. Kasi nagkaroon na ng Malls. Tapos nagsimula na din mauso yung mga pene at bomba na movies. Ayaw na kami papasukin syempre pag bold na ang palabas. Pero papayag ba naman ang mga pinsan kong luko-luko. Nagtatago sila duon sa may projector room para di sila makita ng mga Usher at hindi maisumbong sa lolo. Pag gabi naman nagpupunta kami duon sa Balcony sa bandang itaas nagpapanggap na magpapartner kasi nanunuod ng mga magsyota na nag iiskoran sa dilim.

Naging summer job ko din ang magtinda sa store sa loob ng sine sa orchestra. Nakakapagod pag malakas yung movie kasi kadaming tao na nagkakagulo na bumile kapag intermission pa lang. Tapos syempre nakakasawa yung palabas imagine from 10am na magbukas yung sine hanggang last full show paulit-ulit yun. Ang masaklap pa nun pag extended yung movie kasi dalawang lingo na yun ang napapanuod ko. Pwede na nga akong film critic kasi nakikita ko yung mga maling pasok ng mga artista. Nagiging masaya ako pag Lunes na kasi bago na yung palabas.

College na ako ng mabenta na yung sinehan. Bukod sa nahihirapan na sila mag book ng mga palabas. Syempre lahat ng tao sa Malls na gusto pumunta. Pagkatapos nilang manuod pwede silang magwindow shopping. Naisip ko lang tama lang din na nabenta na yung sinehan na yun. Kasi bihira na din naman gumawa ng mga magagandang pinoy movies, tapos mahal ng kuryente. At napakamahal makipag-unahan sa pagbook sa mga international films.

Saturday, July 26, 2008

The Wonder Years

all our lives we searched for someone to love
someone who makes us complete
we choose partners...we change partners
we dance to a song of heartbreak and hope
all the while wondering if somewhere... somehow...
there is someone perfect who might be searching for us.






I really enjoyed watching Fred Savage when I was a kid. Specially when he raised his eyebrows. Isa ang The Wonder Years sa mga sinubaybayan ko na tv shows back then.

Sunday, July 13, 2008

Inspired

Ako yung tao na madalas kailangan muna ng inspiration bago magkaron ng focus sa kahit anong bagay. Normal lang siguro yun diba?

Naalala ko nung college ako, nagkaron ako ng crush sa Civil Engineering department si Jerome - Member siya ng Archery team. 12pm palagi yung practice nila bago kami mag klase sa Physics. At sa mga ganong oras nakasilip na ko sa bintana para makita ko siya... Hindi kasi ako masyado kuntento dahil nasa 3rd floor yung room namin at sila naman nasa ground floor yung practice area tsk kalayo di ko ma view mabuti... hmmm naisip ko isa lang ang paraan para naman mas makita ko siya ng malapitan... ang sumali sa team :P

Pero my goodness... mahirap pala. Akala ko kasi basta hatakin mo lang yung string at saka mo bitawan oks na. Hindi pala... para akong na hazing... nagpasa yun kaliwang braso ko dahil pag di ka sanay tatamaan ng string yung balat mo at magkukulay violet siya kahit maglagay ka pa ng arm protector.

Pero sabi ko sa sarili ko ito lang ang paraan para palagi ko siyang makita. Kaso na brokenhearted ako huhuhu may nililigawan na pa lang classmate nya. Kaso ilang weeks na din ako nag tratraining at mabait yung coach namin saka yung ibang players. Tapos ok ang grupo kakain kayo sabay-sabay yun bang nakakamay walang maarte... Kahit yung karamihan sa grupo anak mayaman pero game sila... ok silang makisama. Lalo na si coach na instructor ko din sa Physics. Muka lang siyang strict pero cool siya ... kapangalan pa nya Nanay ko.

Sa huli nagfocus na din ako para matuto... hindi na yung para lang sa crush ko... Sinama pa kami ni coach sa laban nung mga senior players sa SCUAA sa Bulacan. Ok yung experience. Ang hindi lang oks kulang sa budget at walang masyadong gamit. Syempre yun mga anak mayaman parents nila mismo ang bumili ng mga pana nila. Eh nakupo di kaya ng Nanay ko yun baka ako pa panain nun pag nanghingi ako ng pambili.

Hindi man ako nakasali sa competition at hindi man naging kami ni Jerome. Para sa akin isang magandang experience yung natuto ako at nagkaroon ng kaibigan na parang pamilya ang turingan.


Dahil kumikita na at may trabaho na pinag-ipunan ko na makabili ako ng sarili kong pana. At paminsan-minsan nagprapractice na sana bumalik sa dati yung laro ko. Medyo hirap lang ako dahil malabo na yung mata ko at hindi na katulad ng dati.

Pero basta may chance ... gusto ko pa ding pumana.




Ngayon may bago ulit akong inspiration at siya naman ang palagi ko iniisip para ako ay magpapayat na hehehe. Sinimulan ko na ang jogging at ang Wii fit. sana maging successful :P

Saturday, July 12, 2008

Yukulele

Nagkaroon ako ng interest mag gitara simula ng sumikat ang Eraserheads. Nagpasama ako sa bespren ko na bumili ng gitara sa Quiapo. Tapos aral-aral na ako, bumili ako ng songhits para sa chords. Hmmm mahirap pala, sabi ko kasi maliit yung kamay ko kaya mahirap. Wala naman akong pang-enroll ng guitar lesson... Sayang naman pinangbili ko sa gitara ko kung hindi ako matututo. Dapat magtyaga ...D-A-G-A ... strum, strum... more strums... puro ganun lang at di nagtagal nakakabuo na din ako ng kanta.

Kaso lang naiinis ako pag nahinto ako ng ilang linggo then sasakit na yun dulo ng daliri ko kapag nag gitara na ako ulit. Yun ang di ok kasi magkakaroon ka ng kalyo. Kaya binigay ko na lang sa brother ko yung gitara. And mas talented yung kapatid ko dahil nagkaroon siya ng banda after that and duon na nagsimula ang Jayplay.

It was 2006 ng na-assign ako sa San Diego... na hilig naman ako makinig ng mga Akustik na mga kanta. So naisipan ko na naman bumili ng
gitara. Search ako sa internet tapos click agad sa Add to cart. After 5 days nag gitara na ako ulit. Hindi na ako naiinis ngayon... kasi kailangan lang pala bumili ka ng mas ok na mga strings... mas mahal pero mas malambot naman hindi ka na magkakaroon ng kalyo masyado.

Nakakaalis kasi ng stress kapag tumutugtog. Na mimiss ko nga yung tugtugan namin ng mga dati kong kasamahan dito sa office. Dati kasi pag Saturday at swak sa schedule tumutugtog kami. Yun nga lang hindi talaga sa gitara ang destiny ko... mas natuwa ako sa drums.

Paminsan minsan nag gigitara pa din ako. Pero simula ng ni send sa akin ng pinsan ko yung link ng batang ito...





Lalo ako napaisip na mas gusto ko mag drums :P

Thursday, July 10, 2008

Francism

I was in highschool ng ma head over heels ako kay Kiko. I even asked my ex na yun na lang tape nya bigay sa akin sa monthsary namin... hehehe mabait naman at masunurin yun nga ang ibinigay niya sa akin. Salamat ex hindi kita makakalimutan dahil sa tape :P


Last na uwi ko nga sa Pinas ni check ko pa yung box na pinaglalagyan ko ng mga Francis M records collection ko. Kahit di ako sure kung tutunog pa yun hehehe, ang mahalaga andun pa sila kahit yung mga cover na lang ang nakita ko nagpapasaya pa din sa akin yun. Besides wala naman na kaming casette player hehehe.

Isa ko pang ginawa ay yung magpunta dun sa Neo-Chinatown store yung malapit sa Mall of Asia para sana makabili ng pandagdag ulit sa collection ko na mga FMCC t-shirts. Dalawa naman ang reasons kung bakit ako nag cocollect una syempre love ko si Kiko and pangalawa proud Pinoy ako at saka para kakaiba naman shirts ko dito.

Mahilig kasi ako mag collect ng kung anu-anong merchandise like shot glass ng mga state na napupuntahan ko, magnet na panlagay sa ref, snow globes , mga ibat-ibang kulay ng Lacoste na t-shirts, Planet Holywood, Hard Rock Cafe at saka pala bean bears.

Dati mga Spoof shirts yun naisipan ko i-collect kaso wala naman ng bago. Mabuti na lang nakaisip si Idol na magtayo ng FMCC.

Here are some of my collections. Isa na lang ang di ko pa naisusuot... and baka di ko na nga isuot kasi baka mabura yung signature hehehe.

















Sana may magregalo sa akin ng kulay purple saka kulay brown kagaya ng suot ni Idol ....Tsk bakit kasi hindi na uso ang monthsary ngayon hehehe.
Anyways, salamat ulit sa pagpose mo at pag greet sa akin sa pagkakaroon ko ng green card. Sana pag-uwi ko ako na mismo ang magpasign at saka makapag papicture pa. At kundi kalabisan maka duet sa pag rarap ... ( Ala nman daw imposible kaya humiling na ng humiling... libre naman yun)

Saturday, May 03, 2008

Ang teatro at ang pinsan ko

Maaga akong gumising para mag cover ng 2 days sa NOC. Ok lang naman kahit 7am to 7pm ako mag monitor ngayong weekends. God is good talaga, alam niya na mag off ako for 3 weeks at bilang contractor syempre no work no pay. So parang 2 weeks na lang din na no income. Pero oks lang yun ang mahalaga makauwi. Kumbaga sa commercial ng mastercard... "Being with your loved ones PRICELESS!"..... Yuhoooo! Uwian na hehehe (inyo pong pagpasensiyahan ... excited na talaga ako umuwi).

Pero ok lang naman talaga kasi work from home naman, may OT na pwede pang isabay ang laundry at panunuod ng TV, pag videoke, pagchat, pag blog etc. etc ...basta huwag ka lang makaka miss ng Alarms.

Mga bandang 10am nag online ang pinsan ko, pm ko siya "Cuz approved na GC ko." Sagot naman siya at ask agad kung kailan ako uuwi syempre pa na set up na namin agad ang get together. See you soon cuzin. Enjoy reading my blog ok? At dahil sa message nya sa chat box nakaisip ako ng entry sa blog ko.

Masayang kakulitan si cuzin bukod sa kwela na super sarap pang mag luto. Dati pag nagugutom ako dumadaan ako sa Resto nya, sakay ng aking motorbike magpupunta ako dun kunyari mag-uusyoso pero makikikain pala hehehe. Syempre kasama na ang kwentuhan at tawanan na walang humpay. Alala ko nabatukan akong minsan may nipapair at niloloko kasi ako na guy para sa kanya. Then pinaglaruan kong i FLAMES yung mga names nila. At pagkatapos humirit ako " 'te hindi pala oks kung ito ang mapapang asawa mo kasi ang initial ng lastname mo B tapos yun lastname nya Ucol. So kapag ikinasal na kayo at nabago na yung lastname mo magiging B. UCOL pag medyo namali yung bibigkas at medyo mabilis "Bukol" hehehe parang kwela." ( Toinks ayun katok ang inabot ko :P )

Magaling din magsayaw at umarte si cuz. Talented... sabi nga it runs in the blood kasi magaling na direktor ang ang older brother nya. ( I'm so proud kay direk... Pag nanunuod kami ng mga TFC teleserye at movies dito ... sabi ko Uy pinsan ko nag direk nyan ).

One summer nag join ako sa workshop nila cuz. ATBP ang name ng group nila short for Ang Teatro ng Batang Pilipino. Every weekends nag memeet kami sa isang school tapos aral aral mag emote at ng kung anu-ano pa. Madami ako na meet dun, masaya bukod sa natuto ka na magkakaron ka din ng mga bagong kaibigan. Saka yung mga ginagawa nakaka alis ng stress, lungkot saka boredom.

Naalala ko sa isang kwarto akting akting kayo, pag sinabi ng direktor na malungkot... dapat emote ka, pag sinabi na masaya... syempre halakhak ka naman, pag sinabing nababaliw... arte ka ng parang naloloka, pag sinabing natatakot... arte ka na parang nakakita ka ng kahit anong katatakutan. Sunud sunod na papagawa sa iyo pag labas mo ng kwarto daig mo pa yung nag gym sa pagod.

Kailangan matuto ka mag-internalized. Minsan ang kapartner mo dahon, bato o kaya puno. Kunyari kung lalaki ka, magandang babae yun dahon at liligawan mo... diba kahirap kaya nun. O kaya akting na walang dialogue. Kahirap iexpress lalo na pag di ka talented hehehe.

Sayang nga lang di na ko nakasali sa presentation nila. Di ko natapos yung workshop saka lately naging magulo kasi nag ligawan na mga members hehehe. Nagkaron ng gap ang mga leaders. (nagkasulutan yata ng papa lols ).

Mabuti na lang si cuz natauhan kung hinde may boylet na siya may make-up artist pa :P.

'Te oks na sa akin maging Mrs. M. B.Ucol ka :P

Thursday, October 25, 2007